Ang wika ay isa sa mga pagkakakilanlan ng isang bansa kung kaya’t napakahalagang ito ay pakaingatan at mahalin ng bawat mamamayang naninirahan dito. Kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya, sinisikap ng ating pamahalaan katuwang ang Kagawaran ng Edukasyon na mapanatiling buhay at maalab an gating pagmamahal sa sarili nating wika, ang wikang Filipino kung kaya’t taon-taon ipinagdiriwang angBuwan ng Wika tuwing Agosto bilang pagpupugay na rin sa Ama ng Wikang Pambansa na si Manuel Luis Quezon.
Ang lahat ng mataas na paaralan ng Binangonan Catholic College ay sabay-sabay na nagdiwang nang buong puso sa buong buwan ng Agosto na may temang “Wikang Katutubo : Daan Tungo sa Isang Bansang Filipino”. Nagkaroon ng mga paligsahan sa pagbigkas at pagsulat ng tula, pagsulat ng sanaysay, at pagbigkas ng talumpati. Ang kulminasyon ay ginanap noong ika-3 ng Setyembre 2019 sa ganap na ika-sampu ng umaga para sa pang-umagang klase at ika-4 ng hapon naman para sa panghapong klase sa Fr. Martin Strong Quadrangle ng Binangonan Catholic College.
Ang palatuntunan ay sinimulan sa panalangin at pagpupugay sa watawat. Sinundan ng pambungad na pananalita ng gurong tagapag-ugnay sa Filipino. Mahalaga ring ipaalam at bigyan ng malalim na kahulugan ang tema sa taong ito kaya naman hinikayat ng gurong tagapag-ugnay ng Filipino na si Gng. Lorna F. Garo na mahalin, igalang at pagyamanin ang ating wikang katutubo. Kasunod nito ay ang pagpapakita ng galing at talento ng mga piling mag-aaral sa lahat ng baitang. Ang mga presentasyon ang nagsisilbing paraan upang mahasa at maipakita ang pagmamahal sa ating wikang Filipino.
Ang mga guro, magulang at mga mag-aaral ay galak na galak na ipinagdiwang ang selebrasyong ito lalo na ang mga nakatanggap ng sertipiko bilang simbolo ng kanilang pagkapanalo. Hindi maipinta ang dulot na saya nito sa lahat.
Naging matagumpay ang selebrasyon dahil sa pagkakaisa ng lahat para makamit ang layunin ng pagdiriwang.
Copyright © All Rights Reserved, 2020. Binangonan Catholic College
Javascript not detected. Javascript required for this site to function. Please enable it in your browser settings and refresh this page.